a k o

nag-iisa.
namumukod tangi.
may sariling mundo, ayaw paawat
sa ano mang nais ko
maipamukha lamang sa sarili
na itong nilalang na ito
ay
ako.

i k a w

wala akong
pakialam sa'yo
dahil ikaw
ay hindi ako
at kailanman
di ka magiging
ako, at ako
nungkang maging ikaw
(kahit clone pa kita)!

katatonika

tulala
at
walang
magawa...
maghapo't
magdamag
siyang
di
makangawa
kundanga't
panaho'y
lumipas
na't
lahat
magawa ay
wala
at
tulala

simba-simbahan

sumainyo ang kapayapaan,
sumakanila ang kabanalan
lumuhod ka't manimdim, magdasal
ng walang tingkad
upang kaipala'y sumibol
sa isipan ang
katuturan
ng inilalakong
katotohanan!
mahirap mang arukin, salukin mo nawa
ang hiwaga ng abitong
magara
dahil hatid nito'y
dusa mula pa sa mga
prayleng nagpamana...
magmunimuni ka kaya?
silipin ang kahunghangang nakasilid
sa bawat orasyong
pinangangalandakan
at tuparin ang sumpang
ang langit
ay pag-aari ng simbahang sa
bawa't sandali
ay sa iyo'y
nagtataksil

p u s a

sa kawalan ng mamahali'y

kuting siyang iyong aampunin.

bibitbitin at aamuin sa kakapiranggot

na dilis nang agad kang kilalaning

panginoon.

papangalana't ilalayo sa mga pusakal

nang di mapariwara ang bubot na

kamalayang pusa.

hahagurin, lalaruin, ipagbubunying

parang sanggol

hahanap-hanapin upang pagod mo'y

mapigtal sa mayuming kalambutan

ng balahibo niyang hika ang katapat.

at sa kanyang pagkapusa'y mangingimi

ka, di niya alintana ang

pag-aruga

sapat nang lumaki siya't magising

ka sa lambing niyang gutom

at sa kanyang mata'y pagkain ka!

moon mamon

tuwing kabilugan syempre ng buwan

hayun siya't di magkamayaw at parang sinisilaban

wala namang pumapansin pilit siyang nananalamin

at kahit paano ay may mag-aksayang maninimdim!



moon mamOn!

moon mamOn!




adik siya sa liwanag ng buwan

sabik sa puting silaw nito

walang init, walang laman

kaya naman ang tawag sa kanya

ay

moon mamOn!

moon mamOn!




walang lasa. walang tagik.

walang pag-asa, laging sabik.



moon mamOn!

ayoko nang magmahal

ayoko na . ayoko nang magmahal.

ngatal kong nasambit sa hangin habang humahangos papalayo sa'yo. pilit kong kinandado ang lagusan ng aking mga luha nguni't lalo itong nagpumiglas na dumanak sa nag-aapoy kong mga pisngi. hindi ko akalaing mararating natin ang ganitong pagkakataon kung saa'y kimi kong tatawirin ang unti-unting nasusunog na tulay na nag-uugnay sa atin. malalim na ang gabi subalit nagliliwanag ang kalangitan sa mga eksenang nagdaan; mga tikom na halakhak at impit na paghibik habang sa alaala'y sinusungkit natin ang lunggati.

ayoko na. ayoko nang magmahal.

bakit may kung anong sumisitsit sa damdaming pakawalan na kita. tuluyang isaboy sa kawalan ang pag-ibig na nadarama... sindihang parang kwitis at itudla sa buwan habang binubura ng iyong mga kasinungalingan ang nilatak ng kataksilang dapat ay ipinagkibitbalikat ko na lamang. bakit? bakit ako nagtatanong at bakit ayaw ko namang marinig ang anumang sagot? bakit?

ayoko na. ayoko nang magmahal.

kung hindi kahapon ano't ngayon pa? haya't tuloy pa rin ang aking pag-uusisa... ayoko na nga ba ... ngayon o kailan man? o ayoko na nga bang umibig sa iyo? nguni't sadyang marupok ang puso kong hinubog ng iyong halik... bingi at manhid ang damdaming inaaruga ng iyong mga haplos at mariing mga yakap magdamag... ayoko na nga bang talaga?


ayoko. ayokong tigilan ka!