isinuko kita sa langit,
sa kandungang
banal inalay
ang latak
ng lunggating
balot sa
pagkukunwari
at hinamon ng
nalagas na panahon...
malutong ko pa ring
nauulinigan ang
halakhakang
natuyo sa balong
tinunaw ng
sagarang pagsimbuyo
ng isinumpang mga puso
sa mundong sakbibi sa
tuksong
labis-labis
sobra-sobra
bagama't hungkag
sa katuturan!
pumanaw na at inilagak
sa ulilang burol
ang awit na humugis
sa saliw ng iyong
kindat at mapanuksong
paglalambing...
kung saan man dumapo ang mga
pangakong inukit sa bawa't
punong naglaho sa kaparangan
ay di ko na itatanong ;
sapat nang sa dakong kahapon
ay dumaan ka ,
kinulayan at nahabag
sa aking pag-iisa,
isusuko ko na rin ang mga pangarap
na malanghap ay katuparan
ng matayog mong pagnanasang
makaharap sa pintuang
nakalaan sa tangan mong
susi at
ang pagharinawang sabay nating
tuklasin ang
mabubungarang hiwaga upang
ang dalamhati'y lumisan at
sa mga puso'y
magiging luklukan.
sumpa man.