saglit nang nayapos ang bula
ng 'yong hiwaga
taglay ang kamandag
ng pag-ibig

naglaho't nawala nguni't
di nabura ang init
ng labi mong sa labi
ko'y dinarang

ngayong kasabay sa pagsabog
ng liwanag ang hapding
dala ng mga alaala
muli kong makakapiling
ang kasinungalingan ng
iyong mga
panata...

may tamis. kay pait.
minsan pa'y naglalambitin
sa pagmamahalang
inanod , nilunod
ng kasabikang
sakim.

tulad ng ilog
sa lilim ng tulay
ihahatid sa laot
ang tubig na buhay;
at umalat man ay
huwag sanang
ipagkailang
ang dalisay na
pagsuyo'y tabang
kahit kaylan..
ilubid man o ibilanggo
sa hanging
dadampi sa damdaming
usok ang kawangis
na hinihigop ng buwan...
sabihin pang may dulo
ang walang hanggan
nawa'y hayaang tumibok
ang pag-asang naroon
ka at matitisuran mo
ako sa pagliko
ng kailanpaman.